Showing posts with label forgiveness. Show all posts
Showing posts with label forgiveness. Show all posts

Friday, December 18, 2015

Kasalanan, Kapatawaran, Kapanatagan


Kasalanan, kapatawaran at kapanatagan....

Nilalang ang tao upang syang mangalaga sa nilikha ng nasa kaitaasan, subalit natukso tayo kung kaya't ang paraisong ipinangako ng Diyos ay nagkaroon ng paghihirap, kaguluhan. Subalit ipinangako Niya na bukas ang tahanan Niya sa sinumang nais humingi ng kapatawaran upang magkaroon ng kapanatagan. 

Tila kaakibat na ng tao ang magkasala, madarang sa tawag ng mundo. Tila hindi lamang iisang beses tayo nakakagawa ng kasalanan. Ang makiapid sa di asawa, ang makipagtalik sa di pa asawa gayundin ang makipagrelasyon sa kapwa lalake o babae. Mga gawaing laganap sa daigdig. May mga bansang tuwid na itinutiring ang makapag asawa ng kapwa sekso, ang makipaghiwalay sa pamamagitan ng deborsyo. Ayon sa isang pag-aaral na aking nabasa, dalawa na lamang sa buong mundo ang hindi tinatanggap ang deborsyo bilang legal na paghihiwalay upang makapangasawa muli, ang Pilipinas at Vatican. Mga bansang katoliko ang pangunahing relihiyon. 

Ang makipag relasyon sa kapwa lalake o babae ay isang itinuturing na kasalanan, subalit bakit marami ang nadadarang sa ganitong gawain. Wika nga sa isang pilosopong kasabihan, talagang malimit "masarap gawin ang bawal." Nandun ang thrill, nandun ang saya, nandun ang ligaya subalit, nagsasaya ang kaluluwa sa makamundong gawain. Lumuluha man ang langit sa ganitong gawain subalit tila kakambal ng pag unlad ang pagkasira kung minsan ng moralidad ng sangkatauhan. 

Laganap ang cybersex, yung sa tulong ng internet maari nang makipagtalik ang sinuman gamit ang kamera ng kompyuter at internet. Laganap na rin ang iba't ibang pamamaraan ng pagbibili ng laman. Nakalulungkot isipin subalit ang mga ito rin ang sanhi ng di nalulunasang sakit sa buong mundo na mula na rin sa unggoy, ayon sa isang pagsusuri, ang AIDS o acquired imuno deficiency syndrome.Sa ilang lugar sa Pilipinas dahil sa talamak na bentahan ng laman, madali na rin itong nakukuha sa pamamagitan ng di ligtas na pakikipagtalik. 

Nasaan ang wastong edukasyon na mula pre elem hanggang kolehiyo ay itinuturo ng isang guro. Subalit nakalulungkot mang isipin, may mga pagkakataong mismong guro rin ay sangkot sa di magandang gawain katulad ng sexual harassment. Ang kakaunting kaligayahang nakukuha sa pang aabuso ng kabataan ay nagiging kapalit ang panghabambuhay na pagdurusa. Ang mga sinasabi nating mga taong simbahan ay ganundin. Hindi lahat subalit mga kasong iilan na di pa lubusang nabibigyang kalutasan malamang ay dahil sa kakulangan ng ebidensya o sa katakutan na rin. Subalit, pawang nagdadala ang bawat isa sa buklod ng kasalanan. 

Lahat ng tao ay nagkakasala. Mismong ilang mga sinsamba nating mga santo ay hindi naman talaga santo agad ang kanilang pamumuhay. May magnanakaw, may nabulid sa apoy ng kasalanan subalit binigyan ng Panginoon ng pangalawang pagkakataon upang maipangalat ang totoong salita ng Diyos. Pinatutunayan lamang ng lahat ng ito na anuman ang ating nagawang kasalanan, may kapatawaran sa taong taimtim ang pagdurusa sa nagawang kamalian sa buhay.

Wika nga, "hindi pa huli ang lahat." Nasa huli talaga ang pagsisi, kailangan lamang talaga na magsisi o pagsisihan ang nagawang kasalanan at matuto sa nagawa. Hindi natutulog ang nasa itaas. Sabi nga 24/7 Siyang nakatungo sa atin . Naghihintay sa ating pagbabalik loob. Naghihintay sa alibughang anak. Sa paghingi ng kapatwaran nandun ang kapanatagan naghihintay ang buhay na walang hanggan.

Sunday, August 23, 2015

Naghihintay

Sa madilim na sulok
Ikaw nga ay nalulugmok
Ilaw di maaninag
Bukas akala moy basag

Isang tao tayo
Sa masalimuot na daigdig
Maraming pagkakasala
Mabuti ay napapasama

Sa di kalayuan
Ilaw ay nakaamba
Dala nitoy pag asa
Pang alis sa pangamba

Panalangin nga sa yo
Ilaw ay mapasaiyo
Pag ibig na ipinagkait
Ibibigay nitong nasa langit

Kung magkasala
Panginoon handang magpatawad
Sa anak na alibugha
Sa anak na nagpapatirapa

Unahing isipin
Diyos ay laging gising
Anuman ang naisin
Sa tamang panahon mapapasaatin

Kung malyo pa ang umaga
Huwag manghihina talaga
Sapagkat paghihirap
May kapalit sa hinaharap

Masalimuot na daigdig
Dala ay pag asa sa atin
Sa bawat paglubog nitong araw
Dala ay bagong bukas sa atin

Pagbabalik mo o hirang
Sya koong inaabang abangan
Pagpapatawad mo sa akin
Sya kong dala dalangin.

Friday, July 5, 2013

Tanging Karanasan

Busy ako lalo na sa mga panahon ngayon. Dahilan sa ang aming punongguro ay naka leave of absence dahil sa maselang pagdadalantao, ako ang naatasang Teacher-In-Charge (TIC) ng aming paaralan.

Nasa loob ako ng computer room ng pumasok ang aking kapwa guro na umiiyak. Hindi ko muna siya tinanong. Hinayaan ko muna siyang lumuha. Makalipas ang ilang saglit saka ako nagtanong ng bakit?

Isinaad niya ang sakit ng kanyang kalooban dahilan sa aking kpawa guro rin. Kaya't ninais ko na magpatawag ng pagpupulong upang maging maliwanag ang lahat.

Sa aking pakikipag-usap sa lahat, naisalaysay ko ang mga gawaing aking ginagawa na ako lamang ang gumagawa ng hindi nagrereklamo, dahil bahagi iyon ng aking pag-unlad. Gumagawa ako ng reports, nagsa-submit ng reports, umaatend ng meetings, mancom, kasabay pa ang pagiging coordinator ng boy scout at subject area coordinator, school property custodian, campus paper adviser subalit hindi ako nagrereklamo. Ni hindi ako minsan nagsalita na kalabisan na ata ang aking ginagawa at nagreklamo.

Nasambit ko sa aming pagmimiting ang isang pangungusap na ipinaalala sa akin ng aking dating kapwa guro, "makipagtalo ka na sa superintendent, o assistant superintendent, subalit huwag na huwag mong gagawing makipagtalo sa kapwa mo guro kasi sila ang lagi mong kasama,"aniya.

Hindi ko na rin makuha pang magtanim ng sama ng loob sa kapwa, sapagkat nakatimo rin sa aking isipan ang ilang katagang nasambit ng aking itinatanging kaibigan, "dahil matanda na ako, wala na akong panahon para magalit pa."

Ito ang dalawang pangungusap na aking ipinarating sa aking mga kapwa kaguro. Hanggang sa napansin ko, hindi lang iisa ang nangingilid ang luha, may isang lumuluha at marami ang nangingilid ang luha. Hindi ko na binanggit ano ang mga dahilan at nasambit ko ang mga ito sa kanila. Basta sinabi ko na lamang na bilang mga guro, tayo dapat ay maging mature sa mga bagay-bagay. Hindi dahil napapansin mo na sa iyo lamang lagi napupunta ang gawain, kalabisan na sa iyo iyon. Iyon ay dahil pinagkakatiwalaan ka, ipagpasalamat mo.

Sa aking palagay, ng mga oras na iyon, hindi man humingi ng paumanhin ang nakasakit na kaguro ko sa aking kapwa kaguro, marahil natauhan sila sa aking mga katagang binitiwan.

Mahirap na masarap pala talaga ang maging isang lider ng paaralan.subalit, pasalamat na rin ako sapagkat ang aking mga karanasan ang nagtuturo sa akin upang ako ay mas yumabong.Salamat.