Showing posts with label kasiyahan. Show all posts
Showing posts with label kasiyahan. Show all posts

Tuesday, January 13, 2015

Pagbisita

Pagbisita ko sa iyo ang isa sa pinakamahirap na pagsubok ang aking naranasan. Mahirap kitang pa ibigin lalo na at may bahid ng pagkabalisa at pag aalinlangan, subalit napatunayan ko gaano kita iniibig.

Ninais kong puntahan kita, masaya ako sa nais ko subalit nandun ang kaba at pagkabalisa. Kaba ng dibdib kung paano ako haharap sa mga magulang mo. Paano ako magsisimula ng pakikipag usap sa kanila gayong hindi ko sila kilala. Saan ako magsisimula, saan ako hihinto, kailan ako magiging taya?

"Tao po" ang mga unang binigkas ko. Medyo natagalan ang paglabas ng tao sa loob ng tahanan subalit hindi nagtagal, lumabas siya at ako ay pinagbuksan. Pinaupo ako at tinawag ang ama ng tahanan. Nandun ang kaba sapagkat hindi ko alam paano ako magsasalita sa harap ng amang may iisang anak na babae,, ang babaeng aking iniibig.

Butterflies in my stomach. Yan ang nararamdaman ko. Bago ako magtuloy sa pagbiyahe kumain muna ako nang sa gayon pakainin man ako o hindi busog ako.

Humarap ang ama at ina, mahusay makitungo sa bisita. Makwento si ama habang malimit ang pagngiti at sandaling pagsasalita ang naibabahagi ng ina. Tumagal nang halos isang oras ang usapang iyon nang dumating ka.
Halos nag pigil ako ng pag ihi ng isang oras dahil di ko mapigil at maputol ang masarap na kuwentuhan namen ng kanyang ama. Sa iyong pagdating iniwanan nila tayo at sa wakas nakaihi rin ako.
Ipinara ako ng triycle iyong ama pauwi ng tahanan. Ang isa sa pinakamagandang nangyari sa aking unang pagdalaw sa iyo. Maraming salamat.

Friday, January 2, 2015

Kapag Kapiling Ka

Malamig ang paligid, tanging siyap ng mga sisiw, huni ng mga kuliglig ang maririnig at ingay mula sa bukas na bentilador ang nagbibigay buhay sa gabing iyon... Maliban sa atin.

Malamig ang gabi subalit ang init ng pagmamahal ay mababanaag sa atin. Ikaw at ako, nagkukuyom ang init sa pagyakap sa isat isa. Ang yakap na nagbibigay init sa nanlalamig nating mga kalamnan. Di ko na alintana gaano na katagal ang yakap na iyon sa mga sandaling tayo ay magkapiling subalit ramdam ko ang sandaling iyon ang naghahatid sa atin sa kawalang hangganan ng pag ibig.

Ikaw ang tanging pangarap. Pangarap na nagbibigay buhay sa aking daigdig. Wala na ngang aasamin pa aking giliw, kundi ang makapiling kang muli. Ang makasama kang Muli.

Thursday, August 7, 2014

Kamalayan

Isang gabing mapang amo
Tanging ikaw lamang at ako
Sa isang higaang nakatikom
Pipi,bulag, bingi

Sa ating pagtagpo
Sa isang sulok ng mundo
Ikaw ang ninanais ko
Tanging ikaw giliw ko

Hangad ko sa bukas na ito
Tanging ikaw ang matanto
Tanging ikaw mayakap ko
Mahagkan mga labi mo

Sa sandadling ito
Nananabik sa yo
Giliw kong inaasam
Hanggang bukas ay dinarasal
Naway kamay mapasiphayo ko.

Thursday, June 19, 2014

Ang ating Daan

   
Isang umagang kasing ganda ng  isang bulaklak
Ang makita ka ay isang ligaya
Sa pinagtagpong landas na ating tinahak
Isang marilag na bukas aking nababakas.

   

Tulad ng hagdang kay tarik kung tingnan
Sa bawat hakbang ko'y ligayang walang para
Narating ang kaitaasan, kasama ka aking rilag
Tunay na pag-asa ating natanaw talaga.


Tahanan ng langit, ating natanaw
Tahanang magbubuklod sa mga pusong mapagsinta
Tanging ikaw lamang laman ng isipan
Kapahingan tanging sa yo natatanaw 


Matapos ang pagod na ating dinanas
Kay sarap isiping natapos ang paglalakbay
Sa tuwina'y iisipin walang hanggan kapara
Kasama kang may ngiti nabuo itong araw



Katulad ng likong daan ating pinagmasdan
Kailanman ay di nasaring sumuko sa kapalaran
Magandang damong ligaw tanging nais matanaw
Maganda talaga ang ating naging araw.

Friday, August 9, 2013

Bagong Kabanata

Isang panibagong yugto ang aking kakaharapin sa buhay, ang pagiging isang lider ng paaralan. 

Inihatid ako ng aking mga kasamahan, kapwa punongguro at mga supervisors sa paaralang aking bagong paglilingkuran, Biyernes, Agosto 1. Bilang pag welcome sa akin, nandoon din ang chairman ng barangay at mga konsehal mga pinuno ng PTA at mga guro sa Atisan Elementary School. Hanggang sa ako na ang magbibigay mensahe bilang bagong pinuno ng paaralan. Marami akong nasambit subalit ito lang ang mga salitang tumatak sa akin at nagbigay ng kaligayahan, nang sambitin ko ang mga salitang, "... at marahil maari ko na ring masambit na magandang araw rin sa aking mga kapwa school heads." Ang saya ko lalo't nakita ko na nagtanguan sila na sumasaangyon na ako ay isa na rin school head. 

Natapos ang araw na iyon sa isang pagpupulong sa mga bagong guro na aking makakasama sa ilang panahon. Hindi naman ako bago sa Atisan, sapagkat unang destino ko bilang guro sa pampublikong paaralan, dito rin ako napapunta. Ngayon, bilang bagong head teacher, dito ulit ako dinala.Sana makapagdala ako ng magandang pagbabago sa paaralan ito.

Wednesday, June 12, 2013

Internet Connection


Umuwi akong may kalungkutan sa aking sarili. May tao akong nais makita. May tao akong gustong makita. May nais akong masilayan, subalit hindi ko nagawa...walang magawa.

Pagdating sa bahay, diretso lang ako sa aking higaan. Palibhasa,umaambon,malamig, hindi ko na ninais na kumain ng hapunan kahit ako ay inaalok ng aking ina sapagkat busog pa naman ako. Malungkot rin syempre. Ninais ko man na makausap ang taong gusto kong kausapin hindi nangyari.

Nagkaroon ng pagkakataon na makagamit ng internet. Sa aking palagay,magigigng masaya ako, subalit isang kabalintunaan. Mahina ang signal ng internet.

Pinipilit kong maka-connect muli upang makapag-unwind man lang. Maraming online na kaibigan sa mga oras na iyon, subalit pinatatakam lamang ako ng aking signal,mawawalan, magkakaroon. Gusto ko mang mangumusta sa taong gusto kong kausapin ang signal na ito ang hindi umaayon.

Minarapat ko na lamang na itigil na ang pagnanais na makausap ang nais kong kausapin, marahil abala rin sya kaya't gumawa na ng paraan ang internet connection na ipagpaliban ang pang-aabala ko sa kanya. 

Araw pa naman ng "kalayaan." Bilang isang mamamayang nakikinabang sa kalayaang nakamit mula sa pakikipaglaban ng ating mga bayani, na nagbuwis ng buhay, isang pagpupunyagi sa ating mga dakilang bayani. Salamat sa inyong inialay na buhay. Ang mga kabataan, matapos ang inyong pagsusumikap na makamit ang kalayaan, ay ang siyang magpapatuloy ng pangangalaga upang ang kalayaang nakamit at ipinaglaban ay manatili.

Isa pa, nananatili akong malaya,nabubuhay ng naayon sa aking kagustuhan. Ito kahit na humina ang koneksyon ng aking net sa araw na ito, ay dapat kong ipagpasalamat.

Ipinagpapasalamat ko ang mga ito.Gayundin,kahit sa konting sandali,nakausap ko ang taong nais kong kausapin.