“Mam, Christmas Party po natin bukas, remind ko lnag po sa inyo. Naku, sir wrong sent po kayo, hindi po ako officer”, reply ng isang paper adviser sa aking text message sa kanya.
Kilala ko na si Mam noong una pa. Hindi kami malimit magkwentuhan kapag may press conference, dahil nga nasa Central School sya at madalas ay kasama niya ang kanyang mga journalists.
Hindi ko alam ano ang naglapit sa amin upang mas kilalanin pa ang isa’t isa at ituring ko na siyang isang kaibigan.
Natuwa ako nang minsang mangailangan kami ng mga medalya na mayroon siya, hindi siya nagdalawang-isip na ipagpalit ang mga medalyang kailangan naming gagamitin sa patimpalak.
May mga medalya kami na maaring ipamahagi sublait pare-pareho itong tanso, kailangan namin ng ginto at pilak subalit wala kaming mahanap, hanggang sa nag-offer si Maam na marami siya at papalitan niya ang mga medalya, laking pasasalamat namin at naresolba ang aming problema.
Hindi siya opisyal ng samahan, subalit bukas-loob siyang tumulong para sa ikapagtatagumpay ng programa at patimpalak.
Naging bukas siya sa akin lalo na at naging maayos ang aming usapan sa tuwing kami ay magkakadaupang-palad sa daan o sa paaralan, may maliliit na bagay siyang naibabahagi sa akin na malaking bahagi naman ito ng kanyang buhay.
Nakigamit ako ng kanilang comfort room sa kanyang silid nang minsang ako ay napapaihi, dalawa kaming pumasok ng silid niya subalit ako lamang ang binati ng mga bata, biniro niya ang mga mag-aaral bakit ako lamang ang kanilang binati? Bias raw, hahahaha.
Pagkagamit ko ng c.r. nila napansin ko agad ang malaking imahen ng isang anghel dela guardia sa kanyang lamesa. Ikinuwento na niya ang istorya ng anghel na ito sa kanyang buhay, gayundin napansin ko rin na maraming mga anghel sa kanyang mesa. Talaga raw koleksyon niya ito.
Naputol ang aming usapan nang kailanganin na ang inyong lingkod sa isang patimpalak, dahil ako ang punong-abala dahil ako ang Pangulo ng samahan sa ating dibisyon sa elementaryang lebel.
Hindi dito natapos ang kanyang pagbabahagi, bagaman hindi siya opisyal sa samahan, isinama ko siya sa bilang ng mga dapat dumalo sa Christmas party na isinet para sa mga opisyal lamang, tutal ang talagang opisyal ay hindi rin makakarating at kung makakarating man siya, isasama ko rin siya.
“Makarating po ako,Sir, pero male-late dahil may tinatapos pa akong kumpormiso,” aniya . “Ok po, aaaasahan po namin kayo,’ sagot ko.
Huli nga siyang dumating, nakarating na ang mga panauhin ng isang superbisor habang kumakain, doon pa siya dumating. Maglalaro na sana kami, nang si Maam ay nakarating. Dinala ko na agad siya sa hapag upang kumain, dahil mga ‘bisor ang kumakain, hinintay ko munang siya ay matapos. Matagal siya bago natapos ng pagkain, ito ay sa dahilang habang kumakain, siya ay nagkukuwento.
Galing raw siya sa isang outreach program, na kanyang binuo at matagal na niyang isinasagawa ito. Nabigla na naman ako dahil hindi ko alam, siya pala ay nagkakawanggawa. Hindi ko ito alam sapagkat mismong siya ay ayaw niyang may makaalam ng kanyang ginagawa. Ayaw niya na ito ay mapalathala, gayundin ayaw niya ng may camera sa tuwing may outreach program siya. Hanggang sa nagkusang-loob ang mga katekista mula sa ating parokya na sumama. Pinayagan niya ang mga ito. Marami na ring mga magulang ang kanyang nakakatulong upang maging matagumpay ang kanyang programang ito tuwing papasko. Alam ng mga kasamahan niya na bawal ang publicity,in short.
Subalit, nabigla ang mga magulang nang hilingin ng mga katekistang ito na kunan kasama siya ng larawan, upang hindi masabihan na suplada, sige nagpakuha siya. Humingi ang isang matanda ng halik at nagsunod-sunod ito. Ayaw man niyang magpahalik sapagkat kahit sa asawa niya, minsanan lang ito mangyari ay pinagbigyan na niya ito. Sa madaling salita, lahat ng ayaw niya nang araw na iyon ay nangyari. Subalit nang magkaroon na siya ng pagkakataon na magsalita, sinabi na niya ang mga ayaw niya.
Ginagawa raw niya ito upang ibalik ang tulong sa mga tao, kung hindi man direktang sa mga taong tumulong sa kanya, atleast sa ibang paraan, sa ibang pagkakataon,sa ibang tao, maibalik niya ang tulong na kanyang nakamit nang siya ay nag-aaral pa lamang.
Isa lamang siayng magtitinda sa bangketa noong maliit pa siya hanggang sa siya’y tulungan ng mga taong may mabuting kalooban, at pag-aralin hanggang sa kolehiyo at patapusin ng kursong nais niya.
Dahil dito, ang pagkakaroon ng outreach program tuwing sasapit ang pasko, kasama ang mga taong nais maging bahagi nito ay kanyang ginagawa.
Natapos ang kanyang pagkain ng isang pirasong pritong manok, isang kutsarang kalderetang baboy at isang tasang kanin sa pagkukwento ng kanyang buhay mula pag-aaral hanggang sa mga panahog ito, at ito’y sa pagsama ko sa kanya habang siya ay kumakain nang araw na iyon.
Hanggang sa natapos siya ng pagkain at nakisali na kami sa palarong aming inihanda sa party.
Mataray raw, ‘yan ang paglalarawan ng ilan sa kanya, makikita mo sa kanya na siya ay may kaya sa buhay sa panlabas niyang pananamit dahil sa mga alahas niyang suot, subalit hindi mo siya makikilala ng tuluyan kung hindi mo siya makakasama at makakakakwentuhan, madali siyang pakisamahan.,
Saludo ako sa iyo Maam,ang iyong gawain ay magpapatuloy sapagkat ito’y ginagawa mo nang buong-loob. Maraming salamat sa pagbabahagi mo ng iyong buhay.