Piloto.Ito ang gusto kong maging, bago pa ako pumasok sa formal na pag-aaral. Subalit nagsimulang magbago ang aking pangarap nang makilala ko ang guro ko noong Grade-1, si Gng. Minerva R. Abarquez. Hinangaan ko siya sa pamamaraan ng kanyang pagtuturo at paraan ng kanyang pakikitungo sa mga mag-aaral.
Tandang tanda ko pa kung paano niya ako tinuruang magsulat ng aking pangalan. Tandang tanda ko pa kung paano niya kami i-motivate na matutong sumulat at bumasa. Mahusay rin siyang guro. Dahil siya'y isang ina, mga anak ang turing nya sa amin.
Malambing sa amin,mahilig magbigay ng pagkain at kung magalit, hindi kami natatakot, subalit sumusunod kami. Hindi niya kinakailangang sumigaw para lamang kami ay sumunod, malambing siyang nagsasalita sa amin.
Kaya't matapos kong matuto sa kanyang pamamaraan at matutong bumasa at sumulat, binago ko ang nais ko, ang maging isang guro.
Ngayon ko naranasan, hindi madali ang maging isang guro. Subalit, sa bawat hakbang ng aking pakikibaka at pagtupad sa sinumpaang tungkuling, ang aking mga guro naging guro, lalo't higit si Gng. abarquez ang aking muli't muling binabalikan at inaalala, ang bakas ng aking kahapong kay ganda. Ito ang naging daan upang ipagpatuloy ko ang sinimulang adhikain, ang maging guro.