Bunso sa dalawang magkapatid si Nicole, panganay si Ate Angel ,kung aming tawagin.
Pamangkin ko si Nicole, Ninong Jun ang tawag niya sa akin. Bagaman hindi ko naman siya inaanak, eh ninong pa rin ang tawag sa akin na nakagawian na ng lahat kong mga pamangkin, si Ate Angel ang aking tunay na inaanak.
Maliksi, matanong, bibo, makulit , payat pangangatawan, may kayumangging balat, mahilig makipagkaibigan kahit na kanino at sasagutin ang iyong tanong anuman ang iyong maitanong, hangga’t abot ng kanyang kaisipan, matanong rin siya.
Si Nicole ay ipinanganak bago pa mag-isang taon ang kanyang Ate Angel sapagkat nagdalang-tao ang kanyang ina ilang buwan pa lamang ang panganay na si Ate Angel, kung kaya’t malimit na napagkakamalan silang kambal bagaman, mataba si Ate Angel.
Kakaibang bata si Nicole. Hindi mo siya makikitaan ng kahinaan ng loob sapagkat ipapadama niya na matatag siya kahit kalimitan siya ay napapagalitan ng kanyang mga magulang dahil sa kakulitan. Gayundin ako, ang kanyang Ninong sapagkat malimit ay naiinis ako sa kanyang kakulitan, subalit kamalian ko iyon, dahil hindi ko siya inuunawa.
Lagi siyang humahanap ng atensyon, sapagkat mas malimit mapansin ang kanyang Ate Angel dahil mas maamo ang kanyang mukha kaysa sa kanya, subalit mabait rin si Nicole. Nakikipag-agawan siya ng atensyon malimit kay Ate Angel sa kanyang Lolo Ben at Mama Teten kung tawagin nila ang kanilang lolo at lola na aming mga magulang.
“Sino kaya ang mahal ni Lolo Ben?’” aniya minsang nakahiga sa binti ni Lolo Ben kasama sa tabi si Ate Angel. Makailang ulit siyang mag-ulit sapagkat hindi napupunta sa kanya ang huling turo na nangangahulugang mahal rin siya ni Lolo Ben niya. Kung kaya’t nakuha niya ang teknik na dapat ay una muna niyang ituturo ang kanyang sarili upang huling mapapunta sa kanya ang turo ng kamay na nagpapakita na mahal rin siya ni Lolo Ben, at tuwang-tuwa siya.
Madali mo siyang pakiusapan. Palibhasa’y malimit mapagalitan ng kanyang Mama Teten dahil na rin sa kakulitan. Minsang nakisuyo si Mama Teten sa kanya na hilutin ang kanyang binti sapagkat ito ay masakit, hinilot ni Nicole ito hanggang sa mapadta ang sakit ng binti ng kanyang Mama Teten at hindi siya nagrereklamo. Masaya siyang nakakapaglingkod sa kanyang Mama Teten na hindi man maunawaan ni Nicole ay pantay naman ang pagtingin sa kanilang dalawa ng kanilang lolo at lola, bagaman laging napapaboran ang kanyang Ate Angel dahil sa ito ay tahimik at hindi makulit.
Si Nicole ay batang mag-aaral sa kindergarten, sa paaralang aking pinagtuturuan, ang San Antonio I, sa lunsod ng San Pablo. Guro niya si Mam Lubong, “Besfren” kung aking tawagin. Malimit siyang tampulan ng pansin ng kanyang guro sapagkat kahit sa paaralan, nadala na ata nitong si Nicole ang pagiging papansin.
Dinidilaan nito ang kanyang guro kung ayaw niya sa ipinagagawa. Hindi nagsusulat subalit mahal niya si Mam Lubong dahil kahit masama ang kanyang pakiramdam, ayaw na ayaw niyang liliban sa klase nito. Sa tuwing ako ay aalis ng bahay kahit walang pasok, lagi niyang itinatanong, “Ninong Jun, may pasok ka? Bakit kami wala?.”
Ipinapaliwanag ko na lamang sa kanya na ako ay may pupuntahan lamang at hindi sa eskwelahan ang aking patutunguhan. Kung minsan naman, at kailangang lumiban dahil masama ang pakiramdam ng kanyang ina ay parang ayaw pa rin nitong lumiban at gustong sumama sa akin. Dangan nga lamang at dala ng aking kaabalahan hindi ko siya maasikaso kung kaya’t napapaliban na rin siya.
Magtatapos na ang taon, Enero na hindi ko natitingnan kung marunong na bang bumasa si Nicole, subalit alam na niyang isulat ang kanyang pangalan.
Sa loob ng aking silid silang mag-ina namamalagi dahil sa umaga lamang ang kanilang klase. Habang hinihintay si Ate Angel na Grade I na ay nakikipaglaro sa oras ng walang klase si Nicole sa aking mga estudyante, at mayroon na siyang mga kaibigan rito.
Isang umaga, nabigla ako nang may ngumingiyaw na pusa sa aking silid. May pusa palang dala si Christian,ang aking estudyante. Tinanong ko kung para kanino ito. Iyon pala ay nanghingi ang aking kapatid para sa kanilang bahay.
Tuwang-tuwa sina Nicole at kanyang Ate Angel. Ang dalawa ay mapagmahal sa hayop.
Si Muning, ang ipinangalan nila rito. Malimit, himas-himas ni Nicole si Muning. Minsang isang araw ay sumabay pag-alis ng bahay si Muning kina Ate Angel at Nicole , kasama ang kanilang ina. Pag-uwi nang hapon, wala na si Muning. Nalungkot lalo’t higit si Nicole.
Matapos ang isang lingo, nakita nina Mama Teten at Lolo Ben si Muning. Nakita pala ng aming kapitbahay na gumagala-gala sa daan at kinuha at kanilang iniuwi. Itinanong nina Mama Teten at Lolo Ben kung kanila ba itong pusa at sinabing napulot nila ito sa daan,kaya’t gayun na lamang ang tuwa ni Nicole nang maiuwi si Muning. Hinimas-himas at parang isang kapatid na matagal na nawala sa kanyang pilling at kanya pa itong kinalong.
Kauuwi ko pa lamang sa bahay isang araw nang makita kong malungkot si Nicole.
Nawawala na ulit si Muning. Nakasabay na naman pala nila pag-alis at hindi na naman nakauwi si Muning. Sinundan nila ang kanilang pinuntahan at nakita nila ito. Inilagay ni Nicole si Muning sa kanyang balikat. Masayang-masaya at galak na galak na iniuwing muli ang ligawing pusang si Muning ni Nicole.
Hindi pa man nakararating sa bahay nila, sinabi ni Nicole kay Muning na bumaba na mula sa kanyang balikat subalit hindi ito bumaba. Patakbong tumungo si Nicole sa kanilang bahay subalit nadapa siya.Hindi natinag si Muning. Hindi siya umalis sa balikat ni Nicole. Napatawa tuloy si Mama Teten na matamang nag-oobserba kay Nicole dahil kita sa inosenteng mata nito ang pagkatuwa nang muling makita si Muning.
Itong si Nicole, makulit, palatanong, subalit alisin mo na ang laruan niya huwag lamang ang mahal niyang si Muning. Madapa na siya, maligaw man si Muning, hahanapin at hahanapin pa rin ito ni Nicole, ang kanyang paboritong alagang si Muning.