Friday, July 5, 2013

Tanging Karanasan

Busy ako lalo na sa mga panahon ngayon. Dahilan sa ang aming punongguro ay naka leave of absence dahil sa maselang pagdadalantao, ako ang naatasang Teacher-In-Charge (TIC) ng aming paaralan.

Nasa loob ako ng computer room ng pumasok ang aking kapwa guro na umiiyak. Hindi ko muna siya tinanong. Hinayaan ko muna siyang lumuha. Makalipas ang ilang saglit saka ako nagtanong ng bakit?

Isinaad niya ang sakit ng kanyang kalooban dahilan sa aking kpawa guro rin. Kaya't ninais ko na magpatawag ng pagpupulong upang maging maliwanag ang lahat.

Sa aking pakikipag-usap sa lahat, naisalaysay ko ang mga gawaing aking ginagawa na ako lamang ang gumagawa ng hindi nagrereklamo, dahil bahagi iyon ng aking pag-unlad. Gumagawa ako ng reports, nagsa-submit ng reports, umaatend ng meetings, mancom, kasabay pa ang pagiging coordinator ng boy scout at subject area coordinator, school property custodian, campus paper adviser subalit hindi ako nagrereklamo. Ni hindi ako minsan nagsalita na kalabisan na ata ang aking ginagawa at nagreklamo.

Nasambit ko sa aming pagmimiting ang isang pangungusap na ipinaalala sa akin ng aking dating kapwa guro, "makipagtalo ka na sa superintendent, o assistant superintendent, subalit huwag na huwag mong gagawing makipagtalo sa kapwa mo guro kasi sila ang lagi mong kasama,"aniya.

Hindi ko na rin makuha pang magtanim ng sama ng loob sa kapwa, sapagkat nakatimo rin sa aking isipan ang ilang katagang nasambit ng aking itinatanging kaibigan, "dahil matanda na ako, wala na akong panahon para magalit pa."

Ito ang dalawang pangungusap na aking ipinarating sa aking mga kapwa kaguro. Hanggang sa napansin ko, hindi lang iisa ang nangingilid ang luha, may isang lumuluha at marami ang nangingilid ang luha. Hindi ko na binanggit ano ang mga dahilan at nasambit ko ang mga ito sa kanila. Basta sinabi ko na lamang na bilang mga guro, tayo dapat ay maging mature sa mga bagay-bagay. Hindi dahil napapansin mo na sa iyo lamang lagi napupunta ang gawain, kalabisan na sa iyo iyon. Iyon ay dahil pinagkakatiwalaan ka, ipagpasalamat mo.

Sa aking palagay, ng mga oras na iyon, hindi man humingi ng paumanhin ang nakasakit na kaguro ko sa aking kapwa kaguro, marahil natauhan sila sa aking mga katagang binitiwan.

Mahirap na masarap pala talaga ang maging isang lider ng paaralan.subalit, pasalamat na rin ako sapagkat ang aking mga karanasan ang nagtuturo sa akin upang ako ay mas yumabong.Salamat.

No comments:

Post a Comment