Wednesday, May 1, 2013

Pambihirang Sandali


Isang pambihirang pagkakataon talaga ang araw na ito.

Labor Day, walang pasok, oras ng pamamahinga. Matapos ang aking panonood ng isa sa mga paborito at inaabangang teleserye sa umaga, kinainipan ko ang mabagal na takbo ng oras, kaya’t matapos ang pananghalian, mainit man ang panahon, pinilit kong maidlip sa aking kwarto.

Bandang hapon na iyon nang marinig ko na maingay sa aming sala, pilit kong inulinig kung sino sino ba ang nagkukwentuhan. Dumating pala ang aking kapatid na panganay. Nakikipagkwentuhan kina Inay at sa   dalawa ko pang kapatid.

Bumangon ako, mga bandang alas singko y media na ng hapon. Kumpleto kami ngayong araw na ito. Dumating din ang aking bayaw, may dalang lulutuing manok at mga hinog na mangga.

Siya na ang nagluto ng dala niyang manok habang tapos ng lutuin ang kanin ng mga oras na iyon. Sabay-sabay na kaming kumain ng hapunan. Magulo, pero halos lahat kami marami ang nakain dahil sa sarap ng pagsasalu-salong iyon.

Pinanood rin namin ang paboritong palabas ng mga bata sa primetime bida, matapos ang panonood ng balita. Pinatay na ni Tito Do, ang bunso kong kapatid ang t.v. matapos ang Juan Dela Cruz at hinayaan na lamang na maglaro ang aking mga pamangkin, samantalang ako, sina Inay at Tatay, at ang aking mga kapatid at bayaw ay masayang nagkukwentuhan sa aming terasa.

Pinangunahan ng aking Ina ang pagbibiro na kanyang narinig minsang isang gabi na sila ng aking ama ay dumalo sa isang miting de avance. Sinundan naman ng biro na naririnig naman ng aking kapatid na panganay sa FM station na paborito niyang pakinggan dahil sa mga patawang bentang benta sa mga nakikinig na tulad niya.

Halos magkaroon ng kabag ang aming tiyan sa katatawa sa mga patawang bentang benta para sa aming lahat nang gabing ito. Siyempre may seryosong usapan rin.


Kaysarap naman ng ganitong pakiramdam, buo ang pamilya at sama-samang nagkukwentuhan mula sa mababaw na biro at nadadagdagan ng seryosong usapan habang lumalalim ang gabi.

Hatinggabi na talaga natapos ang masayang usapang iyon.

No comments:

Post a Comment