Sa ating pag-iisa mas naiisip natin ano ang mas mabuti nating gawin sa mga bagay at pangyayaring nais nating mangyari na hindi natutupad. Sa halip na magmukmok at sisihin ang sarili sa pagkabigo, mas nararapat na umisip ng mas mabuting bagay na nangyari kaysa ang isipin na maghanap pa sa dapat ito ang nangyari.
Malamang dahil sa labis kong pag-iisip sa iyo kagabi, sobrang umaga na ako nakatulog, kaya't inaasahan na tanghali ako nagising. Subalit hindi ko inaasahan na sa aking pagtulog, mapanaginipan ka. Talagang tinapos ko ang aking panaginip. Kumbaga mula simula hanggang wakas. Napanaginipan ko na kasama kita. Kaulayaw kita. Kayakap kita. Katabi kita. Hanggang sa sumilay ang bukang liwayway. Isang umagang kay ganda para sa ating dalawa. Parang totoo lahat ng pangyayari. Isang panaginip na nagdala sa akin at sa atin sa iisang daigdig, sa iisang panahon at sa malayang oras na tayo'y magkapiling.
Ninais ko na sana maulit ang mga bagay na nangyari sa atin minsang tayo'y nagkasama. Subalit ang lahat ng ito ay maaring maging imposible na. Ang minsang pangyayaring iyon ay panghabambuhay ko nang dadalhin. At iisiping ang ligayang ating nakamit sa mga ors na iyon ay mananatiling bahagi ng aking nakaraan, ng ating kahapon.
Kung aking lilimiin, ang isang magandang bagay ay ating matatanto sa ating pag-iisa. Dahil sa ang lahat ng bagay ay may dahilan kung bakit hindi nakakamit, dapat lamang nating unawain. Kailangan lamang nating makuntento.
Ako, ninanais ko mang ikaw ay makapiling na muli, nauunawaan ko ang iyong kalagayan, nauunawaan kita. Mahalaga hindi ka nakakalimot. Mahalaga, naaalala mo pa rin ako. Tama na sa akin iyon. Masaya na ako roon. Kahit na ang mga plano mo'y hindi matupad para sa ating dalawa, malamang may iba pang pagkakataon at iyon ay aking hihintayin hanggang sa ang bukas mo'y magliwanag muli. Hanggang sa ang pasanin mo'y gumaan at hanggang ang mundo mo at mundo ko ay muling magtagpo at muling magkapiling sa isang tahimik na gabi. Sa isang malamig na gabi. sa isang maligayang gabi. Hanggang sa muling pagkukurus ng ating landas. Maghihintay ako.
No comments:
Post a Comment