Wednesday, April 3, 2013

Sana Nandito Ka

Hindi ako makatulog. Naiisip kita. Hindi ka mawala sa aking isipan. Hindi ko gusto ang ganitong pakiramdam. Kung may magagawa lamang ako. Kung may maiisip lang sana akong mas maganda upang maiwaglit ka sa aking isipan, gagawin ko upang ang pananabik sa iyo ay hindi ko maramdaman.

Maaga kong naramdaman ang antok ngayong gabi. Alas sais pa lamang ramdam ko na ang antok. Maaga na  rin akong naghapunan upang nang sa ganun makatulog na ako nang maaga. Subalit, saglit na napadaan ka sa aking isipan, nawala ang antok ko simula kanina.

Pinilit kong ipikit ang aking mga mata. Subalit, pilit na naglalaro ka sa aking isipan. 

Nahihirapan ako, bakit?Walang leybel ang aking pagkakakakilala. Ni hindi ko alam, kaibigan mo ba ako? Bestfriend mo ba ako? o mag-ano ba tayo? Ang hirap kasi, nasanay akong kausap ka. Nasanay akong nandyan ka. Tapos bigla kang nawala. Bigla kang nanlamig. Biglang ang dati mong mainit na pakikipag-usap sa akin ngayo'y tila naghihintay na lamang ako sa pag-ulan sa ilang sa gitna ng tag-araw o sa gitna ng disyerto. Naghihintay ako ng isang araw maibalik natin muli ang init ng ating pagkalinga sa isa't isa.

Gumagawa naman ako ng paraan. Ayoko ng ganito, yung tipong naghahanap, iyong tipong naghihintay. Mali man sa palagay ko, pero paano ?

Hanggang ngayon, ako'y umaasa sa iyong pagbabalik. Sana lang muling magbalik ang dati mong pakikitungo sa akin, ang magbalik lang iyon, kasiyahan ko na. Araw-araw akong umaasa, araw-araw akong naghihintay. Gabi man ginagawa kong araw upang baka sakali nandun ka, nandito ka, o matagpuan kita...sana.

No comments:

Post a Comment