Tapos na ang mahal na araw. Tapos na ang mga pagtitika ng mga Katoliko. Wala ng bawal? Isang pasasalamat ang dapat nating ipahatid sa ating Panginoong Hesus sa kanyang pagpapakumbaba, pagpapakasakit at pag-aalay ng sariling buhay para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sanlibutan. Ang kanyang mga pasakit at mga naging pagdurusa para sa ating lahat ay isang magandang halimbawa na anuman ang mangyari, anuman ang maranasan, wala ng mas hihigit pa sa pasakit na naranasan ng mahal na Panginoon.
Marapat lamang na tayo ay magpasalamat sa kanyang handog na buhay sa atin Marapat lamang nating isaisip at isapuso na anuman ang kasalanang nagawa ng ating kapwa sa atin ang pagpapatawad ay dapat laging may presensya. Walang kasalanang hindi napapatawad. Walang kasalanang hindi pinatawad ng Lumikha. Kaya't sino tayo upang hindi marunong magpatawad at lumimot sa kasalanang nagawa ng ating kapwa laban sa atin. Hindi tayo magiging masaya kung nandun ang bigat ng damdamin sapagkat hindi natin mapatawad ang ating kapwa. Masarap mamuhay ng may pag-ibig sa ating puso.
Marahil ang bawal sa ating mga Katoliko ay tapos na sa araw na ito. Subalit sa patuloy na daloy ng ating buhay, dapat nating isaisip ang sampung utos sa atin upang ang mga ipinagbabawal ay patuloy nating maisabuhay. Mahirap man kung minsan, at hindi natin naiiwasang gumawa ng pagtalima sa kanyang mga utos, ang mahalaga marunong tayong magsisisi at humingi ng tawad sa anumang kasalanang ating nagawa.
Ang pag-alala sa kanyang pasakit para sa ikatutubos ng ating kasalanan ay isang mahalagang katangian na bilang isang Kristyano ay maisip natin, anuman ang ating pinagdaanan, pagdadaanan, isipin nating nandyan lagi si Hesus sa habang panahon.
No comments:
Post a Comment