Wednesday, March 27, 2013

Pusong Bato



“Di mo alam dahil sa ‘yo ako’y di makakain.
Di rin makatulog buhat ng iyong lisanin.
Kung ako’y iibig na muli
Sana’y di sa isang katulad mo
Tulad mo nama’y pusong bato.”

Ang mga bahagi ng kantang sikat sa ngayon , ang pamagat “Pusong Bato.” Kwento ng isang mangingibig na pinangakuang mamahalin subalit matapos ang lahat, nasaktan lamang sya sapagkat matapos niyang ipakita at ibuhos ang pagmamahal niya sa kanyang iniibig, iniwan lamang rin sya  nang basta.

Namamasyal kami, at napadako kami sa pamamasyal sa Luneta Park. Bandang alas sais ng hapon binuksan ang isa sa mga lugar na dinarayo rito, and “dancing fountain.” Kasabay ng pag-awit sa saliw ng iba’t ibang musika. Ito’y nakatutuwang panoorin, sapagkat animo’y mga taong sabay-sabay na umiindak kasabay ang pagpapalit ng iba’t ibang makukulay na ilaw.

Sa pagod ko, natuwa akong mapadako sa dancing fountain, dahil sa pagod na ang mga binti kakalakad, nakiupo ako sa tabi ng isang matandang babae. “Inay, makikitabi po,” ang wika ko. Ako naman ay kanyang pinaunlakan. Inaawit ng mga oras na iyon ang Pusong Bato, kaya’t habang ako’y nakaupo, nakikisabay ako sa pag-awit dahil alam ko ang ibang linya nito.

“Sabi mo noon sa akin, kailan ma’y di magbabago.
Naniwala naman ako
Ba’t ngayo’y iniwan mo.

“Di mo alam dahil sa ‘yo ako’y di makakain.
Di rin makatulog buhat ng iyong lisanin.
Kung ako’y muling iibig  
Sana’y di sa isang katulad mo
Tulad mo nama’y pusong bato.”


Inaawit ko ito, nang magsalita si Inang, ang matadang babaeng aking katabi sa upuan. “Noong nabubuhay pa aking asawa, galit man ako sa kanya hindi ako nagsasalita nang masama sa kanya.” Nagulat ako, ako  na pala ang kausap niya. Sapagkat sa palagay ko may matutunan ako kay Inang, nakinig ako sa kanyang kwento.

Siya ay mula sa Ilo-Ilo, samantalang ang kanyang naging yumaong asawa ay mula sa Bulacan. Nagkakilala sila mula sa isang pagtitipon. Sapagkat masigasig sa panliligaw, agad niya siyang sinagot. Nanirahan sila sa Tondo, Maynila at doon na rin nagkaanak. Nagtatarabaho sa custom ang kanyang asawa samantlang siya ay isang may bahay.

Sa tuwing magagalit siya sa kanyang asawa, hindi niya siya sinisigawan o nagsasalita ng mga masasakit na salita. Naipapakita niya ang kanyang pagkagalit sa pamamagitan ng hindi niya siya sinasabayan pagkain pagkagaling ng asawa sa trabaho. Sapagkat alam niya ang uwi sa hapon ng kanyang asawa, inihahanda na niya ang nilutong paboritong sinigang na sugpo ng kanyang mahal. Ipinapainit niya ito para mainit ang mahigop ng asawa. Nakahanda na rin ang isang platong kanin, saka niya ito tatakpan at didiretso na siya sa pagtulog sa itaas ng bahay. Sapagkat alam ng asawa na nauna na sya pag-akyat sa higaan,galit siya.Aaluin siya para sabayan sa pagkain, subalit, sasabihin lang niya na umuna na o kumain na sapagkat siya ay tapos na kahit hindi pa. Saka siya kakain, kapag tulog na ang asawa.

Mga paboritong pagkain ng asawa ang tangi niyang niluluto upang masiyahan ang asawa pagdating galing trabaho. Kung minsan, dumarayo siya sa Malabon, upang doon bumili ng alimasag o talaba sapagkat mahilig siya rito.Nais niyang maramdaman ng kanyang asawa na mahal na mahal niya siya.

Sa umaga, sa oras na maramdaan niyang gising na ang asawa, mangunguna na siyang bumangon upang ipagtimpla ng kape. Habang nagkakape ang asawa, nagsasangag siya at nagpiprito ng itlog na omelet,may kasamang tinadtad na patatas. Para maipakita naman ng asawa na appreciated niya ang kanyang luto, hihiling siya na ipagbalot siya upang siya nitong kainin sa oras ng tanghalian sa trabaho.

Sa maiksing panahon ng kanilang pagsasama, hindi niya o hindi sila nagpalitan ng masasakit na salita ng kanyang kabiyak. Nagkakagalit man sila, walang palitan ng masasakit na salitang nagaganap. Hindi lamang siya sumasabay sa pagkain, pero, inihahanda niya ang mga pagkaing paborito ng kanyang kabiyak.

Pinangangaralan nga niya ang kanyang mga kapitbahay.”Iwasan ninyo ang pagsasalita ng masasakit sa inyong asawa kapag kayo ay galit. Pinili ninyo siya, pagtiisan ninyo at huwag ninyo siyang pagalitan o awayin. Magtiis kayo,” iyan ang mga payong kanyang ipinararating sa kanyang mga kapitbahay.

Tama siya. Habang kausap ko siya, sapagkat ako ay single pa, nais kong ang mapili ko ay katulad niya. Mahilig magluto, pasensyosa at higit sa lahat,maunawain.

Kung ang lahat ng magkabiyak ay nagpapasensyahan, hindi nag-aaway, malamang hindi na kailangan ang divorce, hindi na kailangan ang legal separation, demandahan at kung ano ano pa. Malamang, walang broken home, malamang walang unwanted children, malamang walang juvenile delinquent.

Sana, sa mga mag-asawa, pairalin ang pagmamahalan, pag-uunawaan at pasensyahan.

Sapagkat gabi na, kami ay umuwi na. si Inang naiwan namin sa Luneta Park sa may dancing fountain, alas otso pa raw siya uuwi. Kasi wala raw naman siyang tinda.Nagtitinda siya ng mga gulay sa Quiapo.

No comments:

Post a Comment