Saturday, April 27, 2013

Meet My Second Parents

Sabado, isang pangkaraniwang araw lamang ... na inakala ko, subalit hindi pala.

Sa halos ilang taon, wala akong masyadong balita sa kanila. Sa halos ilang mahahalagang araw, hindi ko sila nakakasalamuha. Hanggang sa bandang alas 9:00 ng umaga,may natanggap akong mensahe.  

Ninang Eyang: "Vi'ven, (kung ako'y kanilang tawagin), ipinapakumusta ka ni Mommy Bhe (ang tawag namin sa kanyang mommy), text ni Ninang Eyang (ang palayaw na itinatawag ko sa bunsong anak ni Mommy Bhe)." 


Ako: "Ah, ok naman po, dadating po ba sila?Pakisabi po kumusta?" ang reply ko.


Ninang Eyang: Nandito sila. Aalis na sila bukas. (April 26, Sabado. April 27 aalis na sila).

Ako: Ah ganun po ba? siya punta po ako dyan mamaya.Tapusin ko lamang po ang ginagawa ko.

Ninang Eyang: Oo, gusto ka niya makita.

Ako: Sige po, after lunch po nandyan na ako.

Natapos doon ang aming conversation.

Gabi na nang ako'y tumungo sa kanila sapagkat bumili pa ako ng konting maipasalubong kay Mommy Bhe.

Sino nga ba sila sa aking buhay?

Mahalagang bahagi sila ng aking nakaraan.

    Si Mommy Bhe at ako (4-27-13)

Nag-aaral ako sa isang pribadong kolehiyo sa lunsod ng San Pablo nang makilala ko si Gng. Maria Divina Espino Constantino (si Mommy Bhe). Siya ang guro ko sa mga ilang mahahalagang subjects sa Education at guro rin sa pampublikong paaralan sa nasabing lunsod. Ipinakilala ako sa kanya ng aking kaibigang si Folrie May Castillo (Mami May ang tawag namin sa kanya. May edad na siya nang magpasyang magtuloy ng pag-aaral sa pagiging guro). Hanggang sa nagkapalagayan kami ng loob ni Mommy Bhe. Bawat problema naikukuwento ko sa kanya. Dumating ang sandali na magpapasya na akong tumigil sa pag-aaral.Dahil mahal ang tuition sa kolehiyong aking pinapasukan, nagkaroon kami ng problemang pinansiyal.Subalit, sinagip ako ni Mommy Bhe at ng kanyang pamilya. 

Shift Manager noong mga panahong iyon ang kanyang panganay na anak, si Sir Jobert sa isang fast food chain, ang Jollibee. Sinabi niya na tutulungan nya akong maipasok sa Jollibee at magpapatulong sa kanyang anak upang hindi ako mapatigil, at iyon nga ang nangyari. Hindi lamang iyon, sa kanila na rin niya ako pinatuloy kasi malayo ang aming tahanan, kailangang maaga lagi ang aking pasok, at itinuring na bunsong anak sa labas,hehehe. 

Nakaanim na buwan na ang nakalilipas. Sa mga panahong iyon, natustusan ko ang aking pag-aaral. Trabaho sa umaga, pasok sa gabi. Mahirap pero kinaya ko, sa tulong ng aking gumabay na pangalawang mga magulang sina Mommy Bhe at Lolo Bhong (ang kanyang  butihing asawa) at mga itinuring na kapatid. 

 Kami ni Lolo Bhong (4-27-13)

Tapos na ang anim na buwan, namomoroblema na naman ako kasi wala na akong maipapang-tuition. To the rescue ulit si Mommy Bhe. 

"Ipapasok kita bilang student assistant (S.A.) sa Laguna College," wika ni Mommy Bhe. "Magpapatulong tayo kung paano papasok doon," sambit nya. Bago pa man ako matapos sa Jollibee, nakapaskil na ang aking pangalan sa bulletin board ng L.C at hinahanap na ako para sa interview. Sa madaling salita natanggap ulit ako. Tuloy ang pag-aaral. Naging S. A. ako sa L.C. accounting department mula second year college hanggang sa matapos ko ang aking pag-aaral. Iyon ay sa tulong nina Mommy Bhe, habang sa kanila na rin ako tumitira.

Nakatapos ako ng pag-aaral, nagturo sa pribadong eskwelahan at nasa poder pa rin nila ako. Hanggang magdesisyon ang mag-asawa na ipagpatuloy ang planong pumunta ng ibang bansa upang makasama ni Mommy Bhe ang kaisa-isa niyang kapatid, at natupad iyon. 

Ilang taon ang lumipas, umuuwi sila at nagkikita kami. Hanggang sa itong pinakahuli, nawalan kami ng komunikasyon sa cellphone,mabuti na lang at naisipan ni Ninang Eyang na itanong kay Mam Juliet (kaibigan kong guro na kamag-anak nila)  ang bago kong cellphone numbers, at itinext niya ako kahapon.

Mahalagang yugto ng pangyayari sa aking buhay ang makilala si Mommy Bhe, ang kanyang pamilya dahil sa kanila, natupad ang aking pangarap na maging isang guro.

No comments:

Post a Comment