Salamat sa isang bagong karanasan, bagong pakikibaka, at bagong kaibigan.
Maaga akong nagmulat ng aking mata para sa isang importanteng lakad. Ni hindi ko napansin na mainit, dahil ngayon ko lamang tutunghan ang lugar na ito, pero umalis akong baon lamang ang instruksyon ng mga taong nagbigay sa akin ng direksyon kung saan at paano ko mararating ang lugar na aking tutunghan, mapa mula sa google earth at text messages mula mismo sa taong nagtatrabaho sa bayan kung saan ako patutungo.
Sakay ng bus, baba sa lugar kung saan ako dapat bumaba, sakay ulit at lakad, iyan ang aking ginawa. Lakad sa underpass, lilitaw sa kabilang kanto lakad, sige lang ng lakad hanggang sa marating ko ang matayog na gusaling iyon, ang lugar na aking tutunghin. Sa madaling salita, nakarating ako nang mas maaga sa oras na inaasahan....
"Good morning Mam, I am Mr. Panganiban," wika ko. "Ok Sir, please have a seat..." ani ng aking kausap, at nagpatuloy ang aking layon sa mga oras na iyon. Subalit isang kapwa ko naron, isang lalaki ang nakapukaw ng aking pansin. Habang siya'y nagsusulat, pagod at tila kinakabahan at malalim ang iniisip. Natapos na ako sa aking pagsusulat siya'y tila walang kapahingahan sa mga oras na tapos na ang kanyang ginagawa.
Natapos na kami sa aming dapat gawin sa loob ng opisinang iyon. Ako na ang nagsimulang makipagkilala upang maging bagong kaibigan niya. Mula siya sa Davao at naglakbay ng malayo upang hanapin ang isang bagong tadhana. Dahil sa aking pakikipanayam sa kanya sa mga oras na iyon naunawaan ko kung ano ang dahilan ng kanyang ginagawi sa mga oras na iyon. Hanggang sa sabay na kaming lumabas ng opisinang iyon at nagkwentuhan at sabay na muling sumakay sa sasakyan, sapagkat iisa ang lugar na aming babalikan.
Dahil nangangailangan siya ng trabaho, tinungo namin ang isang kakilala upang i-refer ko siya sapagkat alam ko maari siya roon mag-aplay, matanggap man o hindi, atleast nasamahan ko siya.
Laking pasasalamat niya sapagkat kahit paano nakasilay siya ng isang bagong pag-asa.
Ako, sa aming paghihiwalay ng landas sa mga oras na iyon, nagpatuloy sa pakikibaka sa panibagong biyahe ng buhay, sumakay na muli pauwi sa tinubuang lupa upang balikan ang naiwang nakaraang pilit tinatalikdan.
Habang tahimik ako sa aking upuan, tumunog ang aking cellphone, may nagtext, at ito ang nakasulat, "Vince, salamat ng marame huh.," mula sa aking bagong kakilala. Maiksi subalit malamang mensahe at nagpatuloy na ako sa aking pagmumuni-muni hanggang sa marating na muli ang aming tahanan bago magtakip-silim.
No comments:
Post a Comment